MANILA, Philippines – Dalawang magkasunod na insidente ng pagpapatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti ang naitala ng pulisya sa magkahiwalay na lugar, kamakalawa ng gabi saka kahapon ng umaga sa Makati at Pasay City.
Unang nadiskubre ng kanyang kapatid na babae ang nakabiting bangkay ng biktimang si Rafael Soledad sa loob ng kanilang tirahan sa #3986 Gen. Malvar St., Brgy Bangkal, Makati dakong alas-7:45 ng gabi.
Base sa pahayag ni Marissa Soledad, kapatid ng biktima, huli niyang nakitang buhay si Rafael dakong alas-5 ng hapon na balisa at may pagkakataon na tulala habang nasa harapan ng kanilang bahay.
Nabatid na dati ng nahumaling sa illegal na droga ang biktima at noon lamang Enero 15 ng taong kasalukuyan lumabas ito sa isang drug rehabilitation center matapos ang dalawang buwang gamutan. Kaya’t hinala ng mga kaanak ng biktima na maaaring hindi na nakayanan ng biktima ang ganitong buhay kaya nagawa nitong kitlin ang kanyang buhay.
Samantala, dakong alas-8:30 naman ng umaga kahapon nang matuklasan sa production room ng Visprint Company sa Alcaver St., Pasay City ang matigas ng bangkay ng machine operator na si Harvin dela Cruz, 22, na nakabitin, gamit ang isang plastic straw na pinulupot sa kanyang leeg.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakuha sa loob ng locker ng biktima ang isang suicide note na may katagang “Paalam” na nakasulat sa kapirasong papel.
Bukod dito, kamakalawa ng umaga ay unang nakatanggap ng text message ang nanay ng biktima na si Eluminada dela Cruz, 46, ng San Isidro, Tarlac City na nagsasabing “Nay paalam po at humihingi ako ng tawad” hanggang sa kabahan na ang matanda sa mensaheng natanggap nito sa kanyang anak.
Ayon kay ginang Dela Cruz, tinawagan pa nito sa cellphone ang kanyang anak subalit hindi na ito sumasagot hanggang sa napilitan na siyang lumuwas sa Maynila at puntahan ang kanyang anak. Gayunman, hindi na ito inabutang buhay ng ginang. (Rose Tamayo-Tesoro)