MANILA, Philippines – Isang bangkay ng hindi nakikilalang lalaki na nakasuot lamang ng brief at burdado ng tattoo sa katawan ang natagpuang balot ng packaging tape at tama ng bala sa ulo at markado ng sakal ng lubid sa Binondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Ang biktima na pinaniniwalaang biktima ng salvage ay inilarawan nasa gulang na 30-35, 5’2’’ ang taas, maiksi ang buhok, katamtaman ang katawan, burdado ng tattoo kabilang ang nasa kanang braso na larawan ng skeleton.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:15 ng madaling-araw nang natagpuang ang biktima sa kanto ng Juan Luna at Lavezares Sts., Binondo, Maynila.
Sinabi ng isang security guard ng Newtex Bldg. na si Jorland Delamar, nagbabantay siya sa nasabing building nang napansin ang isang bagay na nakabalot sa isang kumbinasyon na kulay green, dilaw at pulang canvass at may bakas ng dugo sa tabi nito kaya nagduda ito na patay na tao ang laman kaya agad inireport sa pulisya. (Ludy Bermudo)