Anti-drug sa Taguig giit palakasin
MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Konsehal Arvin Ian Alit ng pangalawang distrito ng bayan ng Taguig sa lokal na pamahalaan na palakasin ang Taguig Anti-Drug Abuse Council (TADAC) na pinamumunuan nina Mayor Freddie Tinga at Vice Mayor George Elias.
Ang panawagan ay ginawa ni Alit makaraang ideklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang Taguig City ay itinuturing “drug hot spot” sa Metro Manila.
Ayon kay Alit, kamakailan lang ay nadakip ang isang Joel Tinga na nagbebenta ng P100,000 halaga ng shabu sa isang drug buy-bust operation na isinagawa ng PDEA.
Sinabi ni Alit, si Joel ay pang-anim sa tinaguriang “Tinga Drug Syndicate” na nadakip ng PDEA at PNP sa ibat-ibang drug buy-bust operation na kung saan ang limang una ng nadakip ay sina Fernando, Allan Carlos, Alberto, Bernardo at Hector na pawang may apelyidong Tinga.
Inihayag pa ni Alit, dapat din paigtingin ang koordinasyon sa mga karatig bayan na mayroon din anti-drug abuse council tulad ng Pateros, Muntinlupa, Makati, at Pasig.
Anang Konsehal, kung natuklasan ng PDEA ang “Shabu Tinagge” sa Pasig, ay mayroon naman umanong “Shabu Sari Sari Store” sa Taguig.
Sinabi pa ni Konsehal Alit, napapanahon na para palakasin ang kampanya ng Taguig Anti-Drug Council dahil sa ngayon aniya ay pang-lima na ang Pilipinas sa buong mundo na talamak ang bentahan ng ipinagbabawal na gamot base na rin sa ulat ng United Nations 2009 World Drug Report. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending