Ama todas sa away ng anak

MANILA, Philippines – Napatay ng kanyang kapitbahay ang isang 47-anyos na scavenger matapos magtangkang aregluhin ang away na namamagitan sa kaniyang anak at kapitbahay, sa Tondo, Maynila, kama­kalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Benedicto Bac­sal, residente ng Unit 10 Build­ing 32, Road 10 Vitas, Tondo, bunga ng saksak sa katawan.

Tinutugis naman ang suspek na si Virgilio Olva, alyas “Ver”, 24, kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa 2nd floor ng Building 32, Temporary Housing, Vitas, Road 10, Tondo.

Nabatid na pumunta ang biktima sa bahay ng isang Mylene Dacara upang hi­mukin na magka-ayos na lamang sila ng anak na babae ng biktima.

Sa halip na maayos, naki­ alam ang mister ni Mylene Dacara na si De­fensor Dacara at nagkainitan. Naawat sila ng mga kapit­bahay subalit biglang lu­mutang ang kapatid ni Mylene na si Ver at mabilis na inundayan ng saksak si Bacsal.

Isinugod sa nasabing ospital ang biktima habang ang suspek ay mabilis na tumakas. (Ludy Bermudo)


Show comments