MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Quezon City Mayor Feliciano “SB” Belmonte ang pagtakbo ng anak na si Joy Belmonte bilang Vice mayor ng lungsod.
Sinabi ni Belmonte na iindorso din niyang ka-ticket ni Joy si Vice Mayor Herbert “Bistek” Bautista para tumakbong Alkalde sa lungsod sa 2010 elections.
Si Joy Belmonte ay bunsong anak ni Mayor SB at Pangulo ng isang foundation na kumakalinga sa mga kapus-palad.
Nagplano na ring pasukin ni Joy ang politika upang sundan ang yapak ng ama at maipagpatuloy ang magandang ginawa ni SB sa QC para mapagserbisyuhan at mapaglingkuran ang mga taga-lungsod.
Nang maging Mayor si SB noong 2001, naging number 1 city ang Quezon City sa buong Pilipinas, nabayaran ang malaking utang ng QC sa loob lamang ng dalawang taon nitong panunungkulan at nabigyan ng pabahay ang mga taga-lungsod, nakapagpatayo ng mga paaralan, barangay hall at iba pa gayundin ay nabigyan ng trabaho at napag-aral ang maraming mahihirap na taga-lungsod.
Ang pahayag ay ginawa ni Belmonte nang personal na magbayad ito ng P43 milyong halaga ng arrears sa GSIS contribution ng QC government. Anya sa naturang halaga, P10 milyon lamang ang para sa kanyang term bilang ama ng QC.
Ang naturang arrears ay para sa P7.6 milyon lupa na nabili ng QC government sa Payatas na may mahigit 1 ektaryang lupain ay pinagtayuan ng recovery facility recycle plant para sa mga basura ng lungsod. (Angie dela Cruz)