Trader lasog sa dump truck

MANILA, Philippines - Lasog ang katawan ng isang 57-anyos na negosyante matapos na mabundol ng isang ruma­ra­gasang dump truck sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Kinilala ang biktima na si Emmanuel Echaluce, ng Pat Senador Sr., SFDM sa lungsod. Arestado naman ang driver ng truck na si Wilfredo Ayad, 49, ng J. Ramos St., Geronimo Libis Montalban Rizal.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa may Gravel P1 Road, Payatas sa lungsod ganap na alas-9:30 ng gabi. Sinasabing binabaybay ng dump truck (MFZ-473) ni Ayad ang naturang lugar patungong Mon­talban, Rizal nang bigla umanong tumawid ang biktima.

Sa pagtawid ng biktima ay hindi na nagawa pang makaiwas ni Ayad dahilan upang mabundol niya ito at tumilapon ng ilang metro.

Sa lakas ng impact ay nagtamo ng pinsala sa buong katawan ang biktima na siyang dahilan ng agaran nitong kamatayan. (Ricky Tulipat)

Show comments