MANILA, Philippines – Isang binata na nakipaglibing sa yumao niyang kaibigan ang susunod ding ihatid sa huling hantungan matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa Caloocan City, kamakalawa.
Namatay noon din sanhi ng tama ng bala ng baril sa batok ang biktimang si Edgar Lopenaria, 39, ng Panday Pira, Bagong Barrio ng lungsod na ito.
Inilarawan lamang ang suspek na nakasuot ng puting t-shirt at may suot na helmet.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Joel Montebon, alas-2:30 ng hapon, nakipaglibing ang biktima sa kanyang kaibigan at habang naglalakad papauwi sa Zapote St., Bagong Barrio ay sumulpot ang suspek at walang sabi-sabing binaril ang biktima.
Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek kung saan inaalam na ng mga pulis ang motibo sa nasabing insidente. (Lordeth Bonilla)