MANILA, Philippines – Kasalukuyang tinutugis ng pulisya ang waiter ng isang kilalang comedy bar na pag-aari ng isang singer-actor dahil sa pamamaril umano sa isang lalaki sa Malate, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Kasalukuyang ginagamot sa Ospital ng Maynila ang biktimang sina Rose Salazar, 34, supervisor ng Forbest Bar ng 1824 J. Bacobo st., Malate na nagtamo ng bala sa tiyan at Michael Brillantes, 28, may-asawa, isang obrero ng 2039 M. Adriatico St., Malate na nagtamo din ng tama ng bala sa tiyan at kaliwang tuhod.
Hindi pa kilala ang suspek na waiter umano ng Ratsky Bar and Restaurant na tumakas matapos ang pamamaril.
Naglalakad sina Brillantes at kaibigan niyang si Louie Lobrigito sa panulukan ng Nakpil at Bocobo Streets nang harangin sila ng suspek.
Tumakbo palayo ang magkaibigan pero binaril sila ng naturang waiter at tinamaan ng bala si Brillantes.
Tinamaan ng ligaw na bala si Salazar habang nakatayo sa tapat ng pinagtatrabahuhan niyang restawran.