MANILA, Philippines – Nababahala si Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales dahil sa tila unti-unti na umanong pagkawala ng sakramento ng kasal sa Pilipinas ayon kay Rosales, tila nagiging pelikula o palabas na lamang ang sakramento ng kasal at ang nagsisilbing direktor nito ay ang mga kinukuhang wedding planners o wedding coordinators ng mga nagpaplanong magpakasal.
Ayon kay Rosales, nagmimistula na lamang na isang “produksyon” o “palabas” ang isang kasal ngayon kung saan ang mga nais na mapag-isang-dibdib ay umaarkila ng “wedding planner” na babayaran ng malaking halaga para mag-asikaso ng lahat ng kakailanganin sa kasal.
Bunsod aniya nito, nawawala na ang “hiwaga” at “misteryo” ng sakramento ng kasal at nasesentro na lamang ito sa paghahanda, imbitasyon, programa, sayawan at kantahan, na base sa plano ng wedding coordinator.
Bukod dito, napapagtuunan na lang ng pansin sa kasal ang mga dekorasyon at programa rito.
Nakakabahala rin anya ang sobrang laki ng gastos ng mga ikinakasal dahil sa mga wedding planner. (Gemma Amargo-Garcia)