3 motorsiklo nakarnap sa loob lamang ng 5 oras

MANILA, Philippines - Tatlong motorsiklo ang ini­ulat na tinangay ng hinihi­nalang mga karnaper sa loob lamang ng may limang oras sa mag­kakahiwalay na insidente sa lungsod ng Maynila. Nabatid na dumulog sa MPD-Anti-Car­napping and Anti-Hi-Jacking Unit (ANCAR-ANJAR) ang mga biktimang sina Jason Morales ng Osorio St., Tondo; Mary Ann Castelo ng Safari St., Bldg 10 San Andres, Manila at Rigor Ben­jamin ng Santo Domingo, Brgy. Manresa, St., Quezon City. Sa ulat ng pulisya, dakong 8:00 ng gabi kamakalawa nang iparada ni Morales ang kanyang kulay puting motorsiklo, Ya­maha MIO (ZR 1111) sa kanto ng Recto at Legarda St. , Sam­paloc subalit nang pagbalik nito hindi na niya nadatnan ang motorsiklo. Sa kasabay na pangyayari, dakong 8:00 din ng gabi kamakalawa nang iparada ni Castelo malapit sa isang tindahan sa San Andres at Osmena Highway , Malate, Maynila ang kulay puting Yamaha MIO (9372 DJ). Dakong alas-12:30 ng mada­ling-araw naman nang mata­ngay din ang kulay puting motorsiklo, YAMAHA MIO (9956 PL) ni Benjamin sa kanto ng Tolentino at Dimasalang Sts., Sampaloc, Maynila. Naka­alarma na sa awtoridad ang mga nasabing motorsiklo upang masakote ang sinumang may dala nito. (Ludy Bermudo)

Show comments