MANILA, Philippines - Upang mapalakas pa ang kampanya laban sa kidnap for ransom, 11 chokepoints ang inilatag ng pinagsanib na elemento ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Police Anti Crime Emergency Response (PACER) sa mga entry points sa Metro Manila.
Sinabi ni NCRPO Chief P/Director Roberto “Boysie “ Rosales, ang nasabing mga chokepoints ay inilatag nila sa mga hangganan ng Bulacan, Cavite at Rizal upang masawata ang insidente ng kidnap for ransom sa Metro Manila.
Ayon kay Rosales, ang mga chokepoints ay pangangasiwaan ng mga police personnel mula sa Special Action Force (SAF), Regional Mobile Group (RMG) katulong ang mga operatiba ng PACER.
Lumilitaw naman sa record ng NCRPO at PACER na karaniwang target ng mga organisadong kidnapping syndicate ay mayayamang Filipino Chinese at mga negosyante.
Binigyang diin ni Rosales na ang pagmomobilisa ng 11 chokepoints sa mga hangganan ng Bulacan sa Region 3 , Cavite at Rizal sa Region IV-A ay bilang pagtalima ng NCRPO sa direktiba ni Pangulong Gloria Maca pagal Arroyo na tutukan at lansagin na ang mga organisadong kidnap for ransom syndicates na nag-ooperate sa Metro Manila.
Nabatid na sa katatapos lamang na anti-kidnapping for ransom workshop na ginanap sa headquarters ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City, hinikayat ni PACER Chief Sr. Supt. Leonardo Espina ang mga police commanders na tumulong sa pagsawata sa kidnapping sa lugar na kanilang mga hurisdiksyon.
Ipinunto ni Espina na anumang kaso ng kidnapping na isinagawa ng mga organisadong sindikatong kriminal na humihingi ng ransom kapalit ng kalayaan ng mga biktima ay awtomatikong hahawakan ng PACER, habang ang iba pang kaso ng kidnapping tulad ng mga dayuhan ang biktima ay ipauubaya naman sa mga territorial units ng PNP. (Joy Cantos)