MANILA, Philippines – Tatlong toneladang double dead meat ang nasabat ng mga awtoridad sa Balintawak market matapos ang isinagawang pagsalakay kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Nadakip din ng pinagsanib na tropa ng Quezon City Veterinary Office at National Meat Inspection Service sina Pedro Castro at Juanito Trinidad, na umano’y may dala ng nasabing ilegal na karne.
Ayon sa ulat, nasamsam ang naturang karne ng baboy makaraang isang tip ang matanggap ng pamunuan mula sa mga mamimili at lehitimong negosyante kaugnay sa hayagang pagbebenta ng ganitong uri ng karne sa nasabing palengke sa murang halaga lamang.
Dahil dito, agad na nagsanib puwersa ang dalawang grupo at minammanan ang nasabing lugar ganap na alas-12 ng hatinggabi hanggang sa maispatan ang tatlong van na puno ng hot meat. Nangingitim na ang kulay, madaling mapunit ang laman, gayundin, may masangsang na amoy ang mga karneng botya na nakumpiska ng mga awtoridad.
Samantala, pinaggigiba rin ng pamunuan ang mga tindahan na sinasabing nagbebenta ng nasabing iligal na karne.
Ang balintawak market ang isa sa tinututukan ng health department dahil sa madalas na pagpuslit ng karneng botcha dito kung saan ilang ulit na ring nasasalakay. Sinasabing ang hot meat ay inihahalo sa sariwang karne upang hindi mahalata ng mga mamimili. (Ricky Tulipat at Angie dela Cruz)