MANILA, Philippines – Nasawi ang isang miyembro ng Bantay Bayan ng Mandaluyong City makaraang mabagok ang ulo matapos na ihulog sa tricycle ng kanyang inarestong nagwawalang suspek, kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.
Namatay habang ginagamot sa San Juan Medical Center dahil sa matinding sugat sa ulo ang biktimang si Tagayon Canuto, miyembro ng Bantay Bayan at residente ng Brgy. Daang Bakal, ng naturang lungsod. Hindi naman nakatakas sa batas ang mga suspek na nakilalang sina Joseph Mahinay, 45, ng #1333-A Rita street at Jose Segovia, 32, tricycle driver, residente ng #201 A. Villa street, Brgy. Batis, San Juan City.
Sa ulat ng Mandaluyong Criminal Investigation Unit, dakong alas-11 ng gabi nang respondehan ng mga miyembro ng Bantay Bayan kasama si Canuto ang isang sumbong tungkol sa nagwawalang lalaki sa may kanto ng Gen. Kalentong at Haig street sa Brgy. Daang Bakal. Dito nila inaresto si Mahinay na naghahamon ng away sa naturang lugar. Napuwersa naman ang mga kasamahan ni Canuto na iwan sa kanya si Mahinay upang rumesponde sa isa pang ulat ng kaguluhan sa lungsod. Sa puntong ito, nagawang makatakbo ni Mahinay na hinabol naman ni Canuto hanggang sa muling maaresto ang suspek sa may terminal ng tricycle sa may F. Blumentritt St. sa Brgy. Daang Bakal.
Dito isinakay ni Canuto ang suspek sa tricycle na minamaneho ni Segovia. Muling nagwala ang suspek kung saan nagawa nitong maitulak ang biktima palabas sa umaandar na tricycle sanhi upang mabagok ang ulo nito. Hindi naman hinintuan ni Segovia ang biktima at nagtuloy sa pag-andar.
Nadakip naman si Mahinay sa isinagawang follow-up operations ng pulisya habang dinakip rin si Segovia na itinuring na kasabwat sa krimen dahil sa pag-iwan sa biktima. Kapwa nahaharap ang mga ito sa kasong homicide. (Danilo Garcia)