Kelot sinumpak ng pinsan ng ka-live-in, dedo

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang lalaki habang sugatan ang ka-live-in nito matapos sumpakin ng pinsan ng huli sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala ng sumpak sa dibdib si Salvador Niebres, 34, ng Brgy. 171, Bagumbong ng lungsod.

Ginagamot naman sa Jose Rodriguez Memorial Hos­pital sanhi ng tama ng bala sa kanang binti si Leny Salome, 40, ka-live-in ng nasawi.

Pinaghahanap naman ng mga pulis si Isidro Soriben na kapitbahay ng mga biktima.

Sa ulat, alas-6 ng umaga nang puntahan ng suspek ang bahay ng mga biktima at nang makita si Niebres ay agad itong pinaputukan.

Tinangka namang awatin ni Salome ang kanyang pin­san subalit pinutukan din ito bago tumakas kung saan di­nala ang una sa nabanggit na ospital.

Inaalam na ng mga pulis ang motibo sa isinagawang krimen. (Lordeth Bonilla)

Show comments