Binatilyo sa gang war, todas sa 2 pulis
MANILA, Philippines - Patay ang isang 15-anyos na binatilyo na sinasabing kabilang sa isang fraternity matapos makipagputukan sa mga rumespondeng pulis, habang nagaganap ang isang riot sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Idineklarang dead on arrival ng Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktima na si Raffy Hayahay, out-of-school-youth, residente ng Parola Compound, Binondo, Maynila dahil sa maraming tama ng bala ng baril na natamo.
Kusa namang isinurender ng dalawang miyembro ng Manila Police District-Station 2 na sina PO3 Arnel Tubbali and PO2 Dexter Arciaga ang kanilang mga baril sa Manila Police District-Homicide Section at sumasailalim sa imbestigasyon kaugnay sa insidente.
Sa ulat ni Det. David Tuazon, ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-12:10 ng madaling-araw sa tapat ng Gate 10, Area B, Parola Compound Tondo.
Bago ito nakatanggap ng radio message report ang dalawang pulis na noon ay naka-duty sa Delpan outpost hinggil sa nagaganap na gang war sa pagitan ng Gate 46 at Gate 48 ng Parola Compound kaya agad silang rumesponde.
Nadatnan umano ng mga pulis ang dalawang grupo ng kabataan na nagpapalitan ng putok at nang bumaba sila sa markadong police patrol car at unipormado ay pinaputukan din sila ng mga kabataan kabilang din umano si Hayahay. Wala nang nagawa ang dalawa kundi magpaputok na rin upang patigilin ang mga umaatakeng kabataan.
Ilang sandali pa ay nagsipagtakbuhan umano sa iba’t ibang direksiyon ang mga kabataan at naiwan na lamang ang biktimang duguang nakabulagta habang hawak umano ang isang sumpak na may bala at ilang basyo ng bala ng sumpak.
Mabilis na isinugod ng dalawang pulis ang biktima sa pagamutan subalit hindi na ito umabot nang buhay.
Sinabi naman ni MPD-Homicide chief, C/Insp. Alberto Peco, iniimbestigahan pa ang kaso at hindi pa natutukoy kung ang mga bala na nakapatay sa biktima ay ang nanggaling sa service firearms nina Tubbali at Arciaga. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending