MANILA, Philippines – Matapos ideklarang dead-on-arrival ang isang 19-anyos na obrero na nakuryente sa itinatayong gusali, ilang sandali lang ay muli itong nabuhay kahapon ng umaga sa Sampaloc, Maynila.
Gayunman, nasa kritikal pang kondisyon at patuloy na ginagamot sa University of Santo Tomas (UST) Hospital ang biktimang si Romnick Panga, binata, ng Egapol Construction Company, tubong Dumaguete Province.
Batay sa imbestigasyon ni SPO3 Severino Sagum ng Manila Police District-Station 4, dakong alas-9 ng umaga nang maganap ang insidente sa 3rd floor ng isang ginagawang 4-storey commercial and residential building sa 1605 Loyola St., Sampaloc.
Nabatid na habang itinatayo ng biktima ang malaking bakal sa ikatlong palapag ng gusali ay aksidenteng nadikit ito sa bukas na linya ng kuryente sanhi upang bigla itong mangisay. Mabilis itong isinugod sa kalapit na UST Hospital ni Engr. Nick Policarpio at Toto Tuayon, ng Egapol Construction.
Agad umanong idineklarang dead-on-arrival ni Dra. Christina Lagunilla ang biktima, gayunman sinubukan pa rin itong i-revive at ilang sandali pa ay nagulat sila na muling rumesponde ang katawan at muling nabuhay.
Matinding sunog sa katawan ang natamo ng biktima na nilulunasan at malubha pa rin ang kondisyon nito, ayon sa ulat. Patuloy pang tinututukan ng pulisya ang kaso at kung sino ang may pananagutan sa pagkakakuryente sa biktima.