MANILA, Philippines - Patay ang isang jeepney driver matapos na pagbabarilin ng isa sa dalawang kalalakihang sakay ng motorsiklo sa lungsod ng Quezon kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Romeo Gutierrez Jr., 25, ng Brgy. Commonwealth sa lungsod. Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng isang motorsiklo at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may MRB Pilot 3, Manggahan, Brgy. Commonwealth sa lungsod ganap na alas-6 ng umaga habang sakay ng kanyang minamanehong jeepneey (NWY-798) ang biktima at papalabas sa kanyang paradahan nang dumating ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo. Isa sa mga ito ang agad na bumaba at saka nilapitan ang biktima at pinagbabaril. Apat na putok ng baril ang narinig mula sa nasabing lugar na nagpabulagta sa biktima na tinamaan ng bala sa ulo.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente upang matukoy ang motibo ng pagpatay sa biktima. Ayon kasi sa pamilya ng biktima, wala naman silang nalalaman na kaaway ito sa kanilang lugar na magiging ugat upang siya barilin. Lumilitaw na ang tatay ng biktima na si Mang Romeo ay dating barangay ex-officio sa lugar at hinihikayat na tumakbo bilang presidente ng asosasyon sa naturang lugar kaya inaalam ng mga awtoridad kung ang anggulong ito ang maaaring motibo sa pagpatay sa biktima. (Ricky Tulipat)