Inuman niratrat: Magkaibigan todas

MANILA, Philippines - Kapwa patay ang magkaibigan habang sugatan naman ang isang 19-anyos na estudyante matapos ratratin ng hindi nakilalang kalalakihan lulan ng isang Pajero kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Nakilala ang mga nasawi na sina Sonny Cagaoan, 22,   service crew at   Mark Jerkin Tan, alyas “Jek jek”, 22, kapwa ng Tondo, Maynila.

Samantala sugatan naman si Danilo Fajardo, 19. Tinutukoy pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek na armado ng matataas na kalibre at sakay sa isang kulay asul na Mitsubishi Pajero.

Ayon sa ulat, dakong alas-12:15 ng madaling-araw ng maganap ang insidente sa harapan ng isang bahay sa Panday Pira St., Tondo, Maynila. Nabatid na nag-iinuman kasama ang iba pang kaibigan nang biglang sumulpot ang nasabing Pajero na pahintu-hinto at tila may hinahanap. Hinayaan ng mga biktima ang sasakyan hanggang sa lumagpas na ito sa inuman. Nasorpresa na lamang ang magkakaibigan nang sa pagbalik ng mga ito ay paulanan sila ng bala ng baril.

Ayon pa sa imbestigasyon, nang sumibad ang Pajero ay nakita nila ang isang back-up na Isuzu Crosswind na nagsilbing look-out, ang mabilis ding tumalilis.

Nabatid na bago ang araw ng pamamaril, si Tan at ilang kaibigan nito ay may nakasagupang grupo ng isang Francis Anthony Quan, alyas “Kiko” ilang araw pa lamang ang nakalipas. (Ludy Bermudo)

Show comments