MANILA, Philippines - Bigo ang 38-anyos na obrero na maipagdiwang ang kanyang kaarawan nang ipaaresto siya ng mga kapitbahay dahil sa pagkatay sa dalawang aso para gawing pulutan, sa Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 8485 (Animal Welfare Act of 1998) ang suspek na si Ernesto Labor, binata, ng Nuñez St., Sta. Ana, Maynila
Sa ulat ni PO3 Dominic De Jesus ng Manila Police District-Station 6, dakong ala-1 ng hapon, noong Linggo nang arestuhin ang suspek sa Nuñez St. Sta Ana, Maynila. Bago ang pagdakip, isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon sa pulisya hinggil sa kinakatay na dalawang aso sa kanilang lugar.
Nang rumesponde ang mga pulis, mabilis na nagpulasan ang mga kalalakihang kumakatay ng aso at tanging naabutan ang suspek na noo’y tinatakpan umano ng plywood ang dalawang aso na kanilang kinakatay. Katwiran ng suspek, gusto lamang niyang magkaroon ng pulutan sa pagdiriwang ng kaarawan. (Ludy Bermudo)