MANILA, Philippines - Isang driver ng isang opisyal ng Department of Transportation and Communications ang nasawi makaraang pagbabarilin ng mga hinihinalang carjacker sa Brgy. Pansol, Quezon City kamakalawa.
Tinangay din ng mga suspek ang Toyota Grandia matapos mapatay ang biktimang si Rodolfo Sambayon, 28-anyos, family driver ng isang opisyal ng DOTC na si Ricardo Quartero.
Binawian ng buhay si Sambayon habang isinusugod sa Quirino Memorial Medical Center dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Ayon sa ulat ni SPO3 Renato Morales, imbestigador sa kaso, binabantayan ni Sambayon ang naturang sasakyan habang hinihintay niya sa labas ng simbahan ng Maria dela Estrada sa naturang lugar ang pamilya ng kanyang amo nang lapitan siya ng dalawang lalakeng armado ng baril.
Tinutukan ng baril ng mga suspek ang biktima saka pilit na inaagaw mula dito ang hawak na manibela. Nang manlaban ang biktima ay saka pinagbabaril ito ng mga suspek sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.
Nang bumuwal ang biktima ay saka kinuha ng mga suspek ang sasakyan at pinaharurot ito papalayo sa nasabing lugar at iniwan ang una na naliligo sa sarili nitong dugo.