P.6-milyon marijuana nasabat sa mag-tiya

MANILA, Philippines - Bumagsak sa isinagawang buy-bust operation ng Eastern Police District (EPD) ang isang mag-tiyahin na nahulihan ng 41 bricks ng marijuana na nagka­kahalaga ng P600,000 ka­hapon ng madaling-araw sa Cama­chile, Quezon City.

Kinilala ni District Anti-Illegal Drugs-Special Opera­tions Task Group chief, Sr. Insp. Roger Garcia ang mga nadakip na sina Sophia Camilo, 46; at 18-anyos na pamangkin nito na si Noel Dagsa kapwa naninira­han sa Brgy. Bayabas, San Gabriel, La Union.

Base sa ulat, naganap ang operasyon dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa may Ca­machile, Balintawak, Quezon City ilang metro lamang ang layo sa Police Community Pre­cinct 1 ng Quezon City Police District.

Sinabi ni Garcia na natuk­lasan nila ang iligal na operas­yon ng magtiyahin buhat sa ibinigay na impormasyon ng ka­­nilang asset. Dito nakipag­transaksyon ang kanilang asset kay Camilo para sa pag­bili ng limang kilo ng marijuana kung saan itinakda ang bayaran at abutan ng iligal na droga sa may Camachile.

Agad namang nakipagko­ordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Unit at QCPD si Garcia para sa naturang ope­rasyon. Hindi na naka­palag ang magtiyahin nang mapali­giran ng nasa 10 tauhan ng pulisya matapos na magka­bayaran.

Nagulat pa ang mga pulis matapos na madiskubre ang dalawang kahon na nagla­laman ng 41 bricks ng mari­juana na may street value na P600,000.

Sinabi pa ni Garcia na hini­hinala nilang kinukuha ng mag-tiya ang iligal na droga sa ka­bundukan ng Benguet at ibinibiyahe patungo sa Maynila sakay lamang ng pampasa­herong bus.

Posible rin umano na may mga kasabwat na mga driver at konduktor ang mga sindikato dahil sa pagpayag na ma­isakay ang iligal na kargamento sa kanilang bus.

Nakaditine ngayon ang mag-tiyahin sa EPD Annex De­tention Cell habang isinampa na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Compre­hensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga ito sa korte. (Danilo Garcia)  

Show comments