MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng pamunuan ng Quezon City Police ang mga mamamayan lalo na ang mga nagtutungo sa mga bus terminal, mall at restaurants laban sa sindikato ng “Salisi gang” na gumagamit ng buntis at pilay na lalake para hindi mahalata sa kanilang iligal na operasyon.
Ayon sa pamunuan ng QCPD, ang nasabing grupo ay gumagala ngayon sa mga bus terminal, fast food chain at restaurants kung saan batid nilang nagkukumpulan ang mga tao at madaling malingat sa kanilang gamit sa sandaling magkaroon ng konting aberya.
Sinasabing ang modus operandi ng sindikato ay pagpapalapit sa kasamahan nilang buntis na babae saka lalapitan ang kanilang target na biktima habang ang isang pilay naman ang manglalanse dito. Sa sandaling malingat ang kanilang target ay saka mabilis na dadamputin ng mga ito ang gamit ng biktima at agad na aalis sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat, isa sa nabiktima ng grupo ay ang arkitektong si Lourdes Cruz, 43, ng Sct. Delgado St., Brgy. Laging Handa, Quezon City.
Nangyari ang insidente sa isang Jay-jay restaurant na matatagpuan sa Mo. Ignacia st., corner Timog Avenue sa lungsod.
Diumano, kumakain ang biktima sa nasabing lugar nang dumating ang mga suspek kung saan nagkunwari ring kostumer kung saan nang makalingat ang biktima ay mabilis na dinampot ang bag nito na naglalaman ng P8,000 cash at iba’t ibang identification cards.
Sinasabing dahil buntis ay wala sa isipan ng biktima na may masama itong gagawin, ngunit paraan lamang pala ito ng nasabing grupo para magtiwala ito at sa sandaling makakuha ng tiyempo ay saka sisimulan ang kanilang pag-atake.
Ayon sa pulisya, ang ganitong modus ay hindi kaagad malalaman ng mga mamamayan kung kaya kailangang bigyan sila ng babala para makaiwas sa mga ito lalo ngayong inaasahang dadagsa ang mga tao sa mga nasabing lugar para magbakasyon. (Ricky Tulipat)