Pasahero sa LRT bagsak ngayong summer
MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang pagbagsak sa bilang ng kanilang mga pasahero ngayong panahon ng summer dahil sa kawalan ng pasok ng mga estudyante at pagbabakasyon ng mga taga-Metro Manila sa mga lalawigan. Sa panayam ng PSN kay Tina Cassion, tagapagsalita ng LRTA, na bumagsak ngayon sa 250,000 ang bilang ng pasahero ng kanilang Line 1 (Baclaran-Monumento) habang bumaba rin sa 300,000 kada araw ang pasahero naman ng kanilang Line 2 (Santolan-Recto).
Sinabi ni Cassion na inaasahan naman nila ang pagbaba ng bilang ng kanilang pasahero at taun-taon umanong trend ito dahil nga sa kawalan ng pasok ng mga estudyante dahil sa bumabagtas ang kanilang mga linya sa University Belt sa Maynila at iba pang paaralan sa Quezon City, Pasay, Caloocan at Parañaque.
Inaasahan naman ng LRTA na aakyat muli sa 500,000 kada araw ang pasahero ng Line 1 at maging sa Line 2 sa darating na pasukan sa Hunyo.
Sinabi rin ni Cassion na nakatutok ngayon ang kanilang maintenance operation sa pagsasaayos sa kanilang mga riles kung saan kailangan muling lilinisin ang mga bakal na tinatakbuhan ng tren, pagkukumpuni sa mga sira sa mga istasyon at pagkukundisyon sa kanilang mga tren. Walang biyahe ang Line 1 at 2 ng LRTA mula Abril 9 (Huwebe Santo) hanggang Abril 12 (Linggo) para sa naturang “maintenance”.
Mula Abril 6-8, mag-uumpisa ang biyahe ng Line 1 mula alas-5 ng umaga hanggang alas-9:30 ng gabi habang alas-5 rin ng umaga ang umpisa ng biyahe ng Line 2 at alas-10 ng gabi ang last trip.
Samantala, apat na araw na walang operasyon ang Metro Rail Transit (MRT) sa Semana Santa. Ayon kay MRT General Manager Roberto Lastimoso, ang hakbang ay ginawa bilang paggunita sa naturang okasyon. Anya, magbabalik ang operasyon ng MRT sa April 13 araw ng Lunes. (Danilo Garcia, Angie dela Cruz at Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending