UST coed tumalon mula 14th floor ng hotel, lasog
MANILA, Philippines - Basag ang bungo at nagkalasug-lasog ang katawan ng isang 20-anyos na estudyante ng University of Santo Tomas (UST) matapos tumalon mula ika-14 na palapag ng isang hotel sa Quezon City.
Kinilala ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktimang si Golda Margaret Medina, dalaga, nakatira sa Ibarra St., Sampaloc, Manila.
Lumilitaw sa imbestigasyon, na dakong alas-10 kamakalawa ng gabi nang maganap ang pagpapakamatay ni Margaret mula sa 14th floor ng Fernandina Suites Hotel na nasa #232 P. Tuazon Blvd. Araneta Shopping Center, Cubao, Quezon City.
Dumalo umano ang biktima sa isang okasyon na “Gabi ng Parangal 2009” na inorganisa ng UST at ginanap sa nasabing hotel. Habang nasa kalagitnaan ang party ay nagkasundo ang biktima at mga kaklase na sina Franchesca Seneres at Valine Mae Calmerin na magtungo sa rooftop ng hotel malapit sa may swimming pool.
Habang nasa rooftop ang tatlong magkakaklase, bigla na lamang humagulhol ng iyak si Margaret at naibida ang kanyang matinding problema.
Upang mahimasmasan ang problemadong biktima ay agad na kumuha ng tubig si Calmerin para painumin ito. Umupo naman umano si Margaret sa railings ng rooftop at bigla na lamang tumalon mula rito at bumagsak sa driveway at basement parking ng hotel kung saan unang bumagsak ang kanyang ulo.
Gayunman, ang kasong ito ay binubusisi pa rin ng pulisya.
- Latest
- Trending