MANILA, Philippines - Upang matigil na umano ang paggamit ng mga menor-de-edad sa hanay ng mga raliyista, nakatakdang sampahan ng kaso ng Manila Police District (MPD) ang militanteng grupong Gabriela, bukod pa sa patuloy na pagsasagawa ng kilos protesta sa ‘no rally zones, sa Maynila.
Mali umano ang taktika ng mga militante na gamitin ang mga kabataan bilang frontliners upang hindi sila maitaboy ng mga anti-rally police.
Hawak na ni MPD Director General Roberto Rosales ang footages ng rally, litrato na may makikitang menor de edad sa hanay ng raliyista at mga pahayag ng mga saksi, bilang ebidensiya sa paghahain ng kaso.
“We have gathered pieces of evidence, including videos, pictures, and witness accounts to bolster the case against them,” ani Rosales.
Bukod sa ginagawang pananggalang ang mga bata na nalalagay din sa panganib ang buhay, ginagamit din ang mga ito para makakuha ng simpatiya sa publiko at maging sa international community.
Maaari rin naman umanong magdaos ng rally sa itinakdang lugar, pinipilit pa umano ng mga raliyista na magtungo sa ‘no rally zones’ tulad ng US Embassy sa Roxas Boulevard.
Kasong paglabag sa Batas Pambansa 880 (rallying without permit) at paglabag sa Republic Act 7610 ( Anti-Child Abuse Act) under the provision prohibiting the corruption of minors and recklessly exposing minors to danger ang isasampa laban sa Gabriela sa Manila Prosecutor’s Office kaugnay sa naganap na rally noong nakalipas na Miyerkules, kung saan nagkasakitan ang mga raliyista at pulis sa isang anti-VFA rally. (Ludy Bermudo)