Pag-aalaga ng mga hayop sa tenement, ibinawal ng MMDA

MANILA, Philippines - Mahigpit na ipinagbabawal ng Metropolitan Manila Develop­ment Authority (MMDA) sa mga naninirahan sa tenement build­ ing sa Vitas, Tondo na mag-alaga ng anumang uri ng hayop, pagsasampay   sa harap ng gu­sali bilang bahagi ng gagawin nilang paglilinis sa lugar na ka­bilang sa tinaguriang “investors route”. Ang pagpapatupad sa natu­rang kautusan ay iniatang ni MMDA chairman Bayani Fer­nando sa mga opisyal ng ba­rangay at ipinaliwanag na naka­saad ito sa panuntunan ng Na­tional Housing Authority (NHA) na ahensiyang namamahala sa mga low-cost housing tulad ng itinayong tenement sa Vitas.

Mariin namang sinuporta­han ng mga barangay officials ang naturang programa ni Fer­nando sa paniwalang sila rin naman ang makikinabang dito lalo na sa pagpapaganda at pag­sa­saayos ng kanilang gusali upang maging isang modelong condominium.

Nabatid na handang tustu­san ng MMDA ang pagku­kum­puni, rehabilitasyon at pagpi­pinta sa nabubulok ng tene­ment building sa Vitas sa tulong na rin ng mga residente at mga opis­yal ng mga barangay sa lugar. Bilang pinuno ng binuong Metro Manila Inter-Agency Com­mittee (MMIAC) on In­formal Settlers, pinagtuunan rin ng pansin ni Fernando ang pag­papaayos at pagpapaganda ng Vitas sa pamamagitan ng pus­pusang paglilinis sa 27-me­dium rise tenements na may kabu­uang 1,664 units na ang kwarto ay may sukat na 18-metro kuwadrado.

Naniniwala si Fernando na magtatagumpay lamang ang programa kung susunod sa mga umiiral na panuntunan at ka­utusan ang lahat ng mga nani­nirahan, kabilang ang hindi na pag-aalaga ng aso at pusa, pati ang pagtatanim ng hala­man sa paso. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments