MANILA, Philippines - Tulala dahil sa kahirapan sa buhay kung kaya umano hindi namalayan ng isang 41- anyos na ginang kung paano siya napunta sa Light Rail Transit (LRT)-Tayuman station at sinalubong ng talon ang paparating na biyahe. Gayunman, himalang gasgas lamang at pasa ang tinamo, kahapon ng umaga sa Maynila.
Matapos ipasuri sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ay agad ring pinauwi ang biktimang si Teresita Tagle, walang trabaho, residente ng Cabangis St., Tondo, Maynila matapos walang makitang malubhang pinsala sa katawan nito.
Sa pahayag ng tagapagsalita ng LRTA na si Tina Cacion, dakong ala- 9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa mismong riles sa Tayuman station , southbound o patungong Baclaran.
Sinabi umano ng mga pasahero na nakita na lamang nila na pabalik-balik ang biktima sa paglalakad habang naghihintay sa pagdating ng tren na magmumula sa Monumento at bigla na lamang umanong tumalon nang paparating na ang tren.
Masuwerteng pumailalim ito sa pagitan ng riles kahit nadaanan ito ng tren kaya hindi naman nasawi bagkus ay gasgas lamang dulot ng pagtalon at pasa ang natamo.
Medyo naantala ang operasyon ng LRT dahil sa ilang minutong paghugot sa katawan ng ginang na nasa ilalim ng tren.
Sinabi umano ng ginang na totoong namomroblema siya sa liit ng kinikita ng mister at hindi sapat sa kanila dahil may tatlo silang anak.
Bibili lamang umano siya ng isang kilong bigas at dahil sa sobrang pag-iisip ay natagpuan na lamang ang sarili sa LRT. Hinala umano ng mga doktor, posibleng naapektuhan ang isip ng ginang dahil sa problema.
Minabuti ng pamunuan ng LRTA na huwag nang sampahan pa ng kaso ang ginang dahil sa awa rito.