MANILA, Philippines - Kiss mark sa dibdib ang naging susi upang mapaamin ang 15-anyos na dalagita ng kanyang ama sa halinhinang panggagahasa umano ng apat na bagets kabilang ang nobyo ng una, kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Idinulog ng biktimang itinago sa pangalang “Lotlot”, out-of-school youth, ng Sampaloc, Maynila, kasama ang kanyang amang hindi nagpabanggit ng pangalan sa Manila Police District-Station 4, ang reklamo laban sa mga suspek na itinago sa pangalang Jun, 15; George, 16; at Joseph, 16, at ang 17-anyos na nobyo ng biktima na itinago sa pangalang Wally.
Nabatid na dakong alas- 3:30 ng madaling-araw ay nagduda umano ang ama sa hitsura ng anak hanggang sa makita ang marka o kiss mark sa dibdib nito kaya sapilitang pinaamin.
Dahil dito, agad na nagsumbong sa barangay officials ang mag-ama hinggil sa panghahalay kaya isa-isa umanong tinungo ng mga tanod at opisyal ang bahay ng mga suspek sa Craig St.
Nasa kasagsagan umano ng tulog nang arestuhin ang mga suspek at dinala sa MPD-Station 4. Nang imbestigahan, umamin ang nobyo ng biktima kay PO2 Anna Lopez ang pakikipagtalik sa biktima at ibinunyag na matagal na nila umanong ginagawa iyon subalit idinepensa nito na may iba pang gumalaw sa dalagita.
Subalit kinontra ito ng biktima at sinabing ang tatlong kabarkada ay gumamit din sa kanya habang lasing na lasing ang nobyo.
Una rito, isang barkadang tomboy ng biktima umano ang nagyaya na makipag-inuman at isinama nila si Wally at idinaos ito sa bahay ng isang suspek kung saan nakainuman din ang dalawa pang suspek. Nang malasing at makatulog umano si Wally ay pinilahan na ang biktima ng tatlong kainuman.
Hinihintay pa ng pulisya ang medico-legal result at pag-aaralan kung ang lahat ay masasampahan ng kasong rape dahil may batas na nagbibigay ng proteksiyon sa mga menor-de-edad na hindi maaaring sampahan ng kaso o Juvenile Justice Law. (Ludy Bermudo)