DOH tutulong sa BJMP na gamutin ang sakit ng mga preso

MANILA, Philippines - Nagpahayag ng kahandaan ang Department of Health (DOH) na tumulong sa pamu­nuan ng Bureau of Jail Manage­ment and Penology (BJMP) na sugpuin ang iba’t ibang uri ng sakit na sumusulpot ngayong tag-init sa mga piitan sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Fran­ciso Duque III, kailangan na maagapan ang mga sakit at kondisyon ng mga preso upang maiwasan ang paglala ng mga ito. Ilan sa mga sakit na naku­kuha sa kulungan ay ang asthma, galis, ubo, sipon at diarrhea.

Gayunman, inamin din ni Duque na magiging limitado din ang kanilang mga kilos at   pro­grama bunga na rin ng kakula­ngan sa pondo at ang lugar na maaaring pagtayuan ng mga kulungan lalo pa’t ang konsepto ng mga kulungan ay “correction and rehabilitation”.

Bagama’t naglalaan lamang ang DOH ng mga   gamot at health support sa mga inmates mas kailangan ng mga ito ang maayos at makataong pasi­lidad. Aniya, hindi naman hayop ang mga preso  na kaila­ngang pabayaan upang magka­hawa-hawa ng sakit.

Kaugnay nito, sinabi naman ni BJMP Director Rosendo Dial na ginawa nila ang lahat ng paraan upang mapabuti ang kondisyon ng mga preso subalit dahil na rin sa kakulangan ng pondo, hindi nila ito maisaka­tuparan.

Sa katunayan aniya ay ma­tagal na silang humihingi ng pondo para sa paglalagay sa iba pang mga piitan sa bansa at maiwasan ang congestion. (Doris Franche)

Show comments