MANILA, Philippines - Tinatayang may 100 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na naganap sa isang squatters’ area sa San Andres Bukid, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Tatlo katao na hindi na natukoy ang pangalan ang nagtamo ng minor burns nang tangkain umanong apulain ang apoy na nagsimula sa tahanan ng isang Felizardo Agustin na matatagpuan sa #2453 Radium st., San Andres Bukid katabi ng Dagonoy market.
Sa ulat ng Manila Fire Bureau, dakong alas- 2:55 ng madaling araw nang magsimula ang sunog na tumupok ng tinatayang may 40 hanggang 50 kabahayan na umabot sa ika-4 na alarma at idineklarang fire-out dakong alas- 5:37 ng madaling-araw. Hindi kaagad napatay ang sunog dahil sa makipot na daan papasok sa mga kabahayang tinutupok ng apoy.
Inaalam pa umano ng mga awtoridad kung ano ang posibleng pinagmulan ng sunog, bagamat nakatanggap umano sila ng ulat na posibleng naiwanang kandila o short circuit sa illegal na koneksyon ng kuryente ang posibleng dahilan nito .Posibleng umabot din sa P1 milyon ang halaga ng mga ari-arian na napinsala sa sunog. ( Ludy Bermudo)