MANILA, Philippines - Nasabat ng mga elemento ng National Meat Inspection Service ng Depatment of Agriculture (DA) ang may 1,200 kilo ng hot meat o botcha at 60 kilo ng Indian buffalo meat sa M-C Market ng Balintawak at Novaliches Market kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Dr. Rolando Marquez, Director ng Task Force Bantay Karne ng NMIS, takda sanang ibenta sa naturang mga palengke ang mga iladong karne ng baboy bago nasamsam na may halagang P100 bawat kilo at nasa P180 kada kilo naman ang buffalo meat.
Ang regular na presyo ng baboy kada kilo ay P170 at mahigit P200 naman ang kilo ng buffalo meat.
Nabuking ng NMIS na inihahalo ng mga tiwaling negosyante ang mga botcha sa mga sariwang baboy na may tatak ng NMIS para hindi mahalatang hot meat ang mga ito.
Istilo naman ng iba ay inilalagay sa bayong at kariton at pasimpleng ibinibenta sa kanilang parokyano na naghahanap ng murang baboy o buffalo meat.
Pinag-aaralan na rin ng NMIS kung ibabaon nila sa lupa o gagawing pataba na lamang ang mga naturang karne para mapakinabangan. (Angie dela Cruz)