Amok na sundalo nag-sorry sa text
MANILA, Philippines - “Patawad, nagdilim ang isip ko, hindi ko sinasadya !”
Ito ang laman ng isang text message ni Army Sergeant Elias Tial sa kanyang asawa mula sa kanyang pinagtataguan.
Nagtago si Tial makaraang pagbabarilin niya at mapatay ang tatlo niyang superior sa barracks ng Special Forces Company sa Fort Bonifacio, Makati City noong Pebrero 25.
Ayon sa ilang impormante sa SFC, sising-alipin ngayon at tuliro si Tial sa nagawang krimen bagaman wala pa silang ideya kung susuko ba ito sa kanyang mga superior sa Philippine Army.
Sa Camp Aguinaldo, kinumpirma ni Army Chief Lt. Gen. Victor Ibrado na nakarating sa kaniyang kaalaman ang pagpapadala ni Tial ng text message sa asawa nito noong isang araw lamang matapos magtago.
Noong Pebrero 25 ng gabi ay nag-amok si Tial nang pagbabarilin ng M-16 rifles ang tatlo niyang superior.
Naburyong umano si Tial sa pagkamatay ng kanyang ama sa Iloilo noong Pebrero 21 kung saan bagaman pinayagan na itong mag-leave para makipaglibing ay nagawa pa ring mag-amok.
Napatay ni Tial sina Captain Dionillo Aragon Jr., executive officer; Lt. Gerald Fuentes, Team Leader; at Master Sergeant Eliseo de la Cruz, Jr. habang sugatan naman si Captain Benito Ramos Jr., commanding officer ng SFC.
Si Tial, sa sandaling ma aresto, ayon kay Ibrado, ay agad isasalang sa General Court Martial. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending