MANILA, Philippines - Mistulang sinaniban ng masamang espiritu ang isang guwardya kung saan nagniningas pa ang dalawang mata nito nang mag-amok hanggang sa pagbabarilin at patayin ang dalawang construction workers habang nag-iinuman kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Patay na nang idating sa Valenzuela Medical Center ang mga biktimang sina Fausto Nario, 50, at Abel Diaz, nasa hustong gulang, kapwa residente ng Fore State Business Line, Parañaque City.
Tinutugis naman ng Caloocan City Police ang suspek na nakilala lamang sa pangalang Galabayo E. A, nasa hustong gulang ng Red Planet Security Agency at nakatalaga sa Teopilo 1 Village Home Owner Association, Vista Verde, Barangay Kaybiga, Caloocan City.
Nag-iinuman sina Nario, Diaz at ang kanilang project manager na si Raul Fabiosa sa construction site nang biglang dumating ang suspek na armado ng 12 gauge shot gun.
Ayon sa project manager na si Fabiosa, ang dalawang mata ng suspek ay nagniningas nang dumating at walang sabi-sabing pinagbabaril nito ng dala nitong shot gun ang mga biktima. (Lordeth Bonilla)