Nagpahayag kahapon ang National Police Commission (Napolcom) na nasa “finishing touches” na ang kanilang imbestigasyon kaugnay ng akusasyong nagkaroon ng “rubout” sa engkwentro sa pagitan ng mga pulis at hinihinalang carnappers sa EDSA noong nakaraang linggo.
Ayon kay Napolcom vice-chairman Eduardo Escueta, natukoy na ng ahensya ang apat na malalaking “lapses” o pagkukulang na nagawa ng mga pulis sa operasyon dahilan para mapatay ang tatlong carnappers.
Napatunayan aniya ng Napolcom na nagkaroon ng “overkill” sa operasyon kung kaya’t ang mga pulis na sangkot ay maaring masibak sa kanilang pwesto, ma-demote o ma-suspinde. Ito’y maliban pa aniya sa kasong murder na naghihintay sa naturang mga pulis.
Kamakalawa ng hapon ipinataw ng Napolcom en banc ang 90-days preventive suspension sa 29-pulis na kinabibilangan nina Ins. Angelo B. Nicolas (team leader ng Anti-Carnapping Unit ng Quezon City Police District), SPO1 Frederick Torres, PO3 Honey Besas, PO3 Glicerio Manacpo, PO2 Eugene Martines, PO2 Randy Barrameda, PO1 Ranmond Escober at PO1 Freddy Suliva.
Kabilang din sa mga sinuspinde sina P/Senior. Supt. Fortunato Guerreo (team leader ng National Capital Region, Highway Patrol Group), P/Chief Insp. Allan Rubi Macapagal, P/Chief Insp. James Ramos, P/Chief Insp. Henry Cerdon, PCI Francis Bunag, P/Insp. Rogelio Acosta, SPO4 Gregorio Aquino, SPO2 Wilson Prion, SPO1 Eliseo Dannug, PO3 Ireneo Emerson Reyes, PO3 Allan Joseph Bonggat, PO3 Joel Sabalvaro, PO3 Julius Arcalas, PO3 Eduardo Medenilla, PO3 Erwin Rubrico, PO2 Catherine Guerrero, PO2 Arlene Driz, PO1 Eugene Morales, PO1 Virgilio Sunga, PO1 Jessie Olpindo, at PO1 Avelino Nuñez. (Rose Tamayo-Tesoro)