Natagpuang may tanim ng bala sa ulo, ginahasa at pinagnakawan ang isang 22-anyos na dalagang nursing graduate sa loob ng inuupahan nitong condominium unit sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
May ilang oras na umanong patay nang matuklasan ang bangkay ng biktimang si Rosalie Turcolas, dalaga, tubong- Allen Northern Samar at nanunuluyan sa Unit 40-D Nisus Bldg., A.H. Lacson Ave., Sta. Cruz, Maynila sanhi ng tinamong bala sa ulo.
Isinasailalim naman sa interogasyon ang naka-duty na security guard na kinilalang si Rodrigo Vasquez at Arly Mission, nakatalagang maintenance sa naturang condo-building.
Sa ulat ni Det. Joseph Kabigting ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:15 ng gabi nang madiskubre ni Kristel Concha, ka-share ng biktima sa kuwarto ang bangkay ng biktima.
Ani Concha sa imbestigador, bumisita siya sa kaanak sa Imus, Cavite at ng bumalik na siya sa condo ay doon niya nakita ang bangkay ng biktima kaya agad niya itong ipinagbigay-alam sa guwardiya ng condominium.
Malaki ang paniwala ng mga imbestigador na ginahasa din ang biktima dahil nakitang nakalilis ang suot na t-shirt na asul, lantad ang mga dibdib ng biktima at walang saplot sa ibabang bahagi ng katawan na duguan at may tama ng bala sa ulo.
Natuklasan din na nawawala ang gamit na laptop (P35,000) ng biktima; dalawang unit ng cellphone na Erikson K800 (P15,000) at isa pang hindi batid ang brand name na nagkakahalaga ng P10-libo, at pati ang wallet nito.
Ayon pa sa imbestigasyon, walang forcible entry sa kuwarto ng biktima at aminado ang sekyu sa condo na walang bumisita sa biktima dahil sa higpit ng kanilang patakaran sa sinumang pumapasok sa loob ng condo.
Linggo umano ng gabi, dakong alas-9 nang makita ng sekyu ang pagdating ng biktima na pumasok agad sa kanyang unit at wala umano siyang napunang ingay o komosyon.
Nakita rin ang bakas ng dugo sa katabing gusali na posibleng dinaanan ng suspect papasok sa mismong unit ng biktima.