Mag-utol na paslit, patay sa sunog

MANILA, Philippines - Iniwan lamang sa tiyahin ng kanilang mga magulang ang dalawang paslit nang ma-trap at malitson nang buhay sa loob ng kanilang comfort room sa Sampaloc, Maynila kahapon ng hapon. Hindi na umano makilala dahil sa pagkasunog ng bu­ong katawan ng magkapatid na sina MJ, 6 at Iverson Coronel, 4, kapwa residente ng #768 Bataan St., Sampaloc, Maynila. Ayon sa report, dakong alas-3:12 ng hapon ng nagsimula ang sunog sa bahay ng magkapatid. Nabatid na iniiwan umano ng mag-asawang Jefferson, 29 at Mary Ann, 28, ang kanilang anak sa kanilang tiyahin na si Gisselle Billones dahil kapwa umano ito nagtratrabaho. Gayunman, kinaka­ilangan din umanong umalis ng bahay si Billones dahil kukunin umano nito ang kan­yang suweldo kaya iniwan nito ang dalawa sa loob ng kanilang bahay. Iniim­bestigahan naman ng Manila Fire Bureau kung may pananagutan ang tiyahin ng mga biktima at inaalam kung ikinandado ang mga ito dahilan upang ma-trap sa bahay nang magsimula ang sunog. Napuna na lamang ng mga residente ng lugar ang luma­lagablab na ang bahay ng pamilya Coronel hanggang sa mabilis na lamunin ito at nagdamay pa ng apat na kabahayan na yari lamang sa light materials. (Ludy Bermudo)

Show comments