MANILA, Philippines - Agaw-buhay ang isang 21-anyos na lalaking estudyante makaraang ihulog ito mula sa ikalawang palapag ng isang motel ng lalaking kasama nitong nag-check-in sa naturang establisimiyento, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Kritikal ngayon ang kalagayan sa Sta. Rita Hospital bunga ng mga matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima na kinilalang si Jimmy Ocampo ng Camella Homes, Bacoor, Cavite.
Batay sa ulat ng pulisya, pasado alas-11 ng gabi nang mangyari ang nasabing insidente sa Quirino Motel na nasa Quirino Avenue, Parañaque City.
Nabatid na ang biktima ay unang nag-check-in sa naturang motel kasama ang isang lalaki kung saan makaraan ang ilang minuto ay nakita na lamang ang mga ito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo habang nagpupumilit ang huli para pumasok sa inupahan nilang silid.
Makalipas ang ilang sandali, nagulat na lamang ang security guard ng motel nang biglang lumagapak sa kanyang harapan ang biktima na umuungol at duguan ang ulo makaraang ihulog ito ng suspect.
Agad namang isinugod ng security guard sa naturang pagamutan ang biktima, habang ang hindi pa kilalang suspect ay agad namang tumakas palabas ng motel. (Rose Tamayo-Tesoro)