3 carjackers todas sa shootout

MANILA, Philippines - Tatlo na namang pinanini­walaang mga carjackers ang nasawi makaraang maka-eng­kuwentro ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) matapos ang isang habulan na nag-umpisa sa Mandaluyong City.

Patuloy na nagsasagawa ng berepikasyon ang pulisya upang makilala ang mga nasawing suspek at mabatid kung anong grupo ito kabilang.

 Sa inisyal na ulat ni QCPD-Anti Carnapping Unit chief, Insp. Angelo Nicolas, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang engkuwentro sa may kanto ng EDSA at National Irrigation Road sa Brgy. Pinyahan. 

Nabatid na unang pinara ng mga tauhan ng Manda­luyong City police ang asul na Honda Civic na may plakang AED-115 sa isang checkpoint matapos na hindi tumugma ang plaka nito. Sa halip na huminto, pinaha­rurot ng mga suspek ang sasak­yan na naging dahilan ng habulan.

Inalarma naman ng Man­da­luyong police ang mga police unit sa Metro Manila kabi­lang na ang QCPD na agad nagtatag ng “chokepoints” at masabat ang inalarmang sa­sakyan sa may EDSA. Nag­tapos ang habulan sa may NIA Road kung saan nagka­palitan ng putok.

Agad na nasawi ang da­lawa sa sakay ng naturang kotse habang sugatan naman ang ikatlo. Isinugod pa sa East Avenue Medical Center ang sugatang suspek ngunit hindi na rin ito umabot ng buhay.

Nagawa namang maka­takas ng driver ng sasakyan makaraang mailigtas at ma­itakas ng isang Toyota Revo na sumulpot sa lugar ng barilan.

Sinabi ni QCPD Director, Chief Supt. Magtanggol Gatdula na hindi alam ng kanyang mga tauhan na may “back-up” na sasakyan ang mga suspek habang nakatu­tok ang kanilang konsentras­yon sa mga sakay ng Honda Civic na siya lamang nagpa­putok sa mga pulis.

 Sa berepikasyon sa Land Transportation Office (LTO), nabatid na pag-aari ng isang Alberto Rombaoa ang Honda Civic na natangay ng mga karnaper nitong Enero 28 sa Pasig City.

Show comments