MANILA, Philippines - Nagbabala ang Manila Police District (MPD) sa publiko na mag-ingat sa mga nabibiling gamot sa iba’t ibang karamdaman matapos madakip ang isa sa miyembro ng sindikato at makumpiska dito ang mahigit kalahating milyong piso na halaga ng mga gamot, na ‘tampered’ ang expiration dates para ibenta sa Metro Manila at iba’t ibang lalawigan.
Sa ginawang pagsalakay ng mga tauhan ni MPD-District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) chief, Audie Madri deo, nadakip ang suspect na si Romulo Quiñonez, alyas “Mulong”, 56, ng Tayuman St., Sta. Cruz, Manila, habang pinaghaha nap pa ang isang Ruben Mallari, sinasabing ‘utak’ ng sindikato.
Ayon kay PO2 Manuel Pimentel ng MPD-DPIOU, matagal niyang sinubaybayan ang kahina-hinalang transaksiyon sa bahay ni Quiñonez at nakumpirma ito sa pamamagitan ng buy-bust operation. Natuklasan ang iligal na pagta-tamper ng expired na gamot at ginawa ang pagsalakay dakong alas-5:30 ng hapon.
Naaktuhan ng pulisya ang suspect sa loob ng kanyang bahay katabi ang saku-sako at kahun-kahong mga gamot na expired. Aminado naman ang ilang kapitbahay ng biktima na nagtrabaho sila sa mga suspect bilang tagabura ng expiration dates at taga-lagay ng bagong seal upang lumabas na matagal pa ang expiration.
Ayon naman sa source na ayaw magpabanggit ng pangalan, parukyano ng mga suspect ang mga botika malapit sa Department of Health (DOH), sa harap ng Jose Reyes Memorial Medical Center at iba pang botika sa Makati at mga lalawigan tulad ng Pangasinan, Isabela, La Union at Nueva Ecija.
“Mahirap po talaga kasi nako-konsensiya ako. Katulad ko ring mahirap ang nabibiktima na hirap na hirap maghanap ng pambili ng gamot sa pasyente nila at nagtitipid na bumili sa maliit na mga botika kaysa sa kilalang drugstore, yun pala wala ng bisa,” anang isang dating namasukan sa sindikato.
Agad namang nakipag-ugnayan si MPD Director General Roberto Rosales sa tanggapan ni Health Secretary Francisco Duque at Bureau of Food and Drugs (BFAD) para sa gagawing hakbang at pagsasampa ng kaso laban sa nakakaalarmang gawaing ito ng sindikato. (Ludy Bermudo)