Hindi na nakawala ang dalawang Caviteño na sina Eric Monson, 35, at Angel Tamayo, 53, na umano’y drug pushers nang arestuhin ang mga ito ng Caloocan Police dakong ala-1 ng hapon kahapon habang nagbebenta ng shabu sa isang poseur buyer sa loob ng isang food chain sa 5th Avenue Caloocan City. Tila nakatunog ang mga suspek kaya di tinanggap ang marked money mula sa pekeng buyer ngunit nang kapkapan ay nakuha sa mga ito ang 24.13 gramo ng shabu. (Lordeth Bonilla)
Ayaw sa tagay, inatado
Inatado ng saksak at nasa kritikal na kalagayan ngayon ang 23-anyos na si Albert Ballantos ng kanyang kapitbahay na nakilala lang sa pangalang alyas Tony at Charlie Flores nang tumanggi ang biktima sa tagay ng alak na inialok ng mga suspek dakong alas-10:10 ng gabi sa Apelo Cruz St., Pasay City. Masusi naman na pinaghahanap ng pulisya ang mga suspek na agad tumakas matapos ang insidente. (Lordeth Bonilla)
Pulis binoga
Kritikal ang kalagayan ngayon ni PO2 Miguelito Pontente, 40, nang barilin habang nasa loob ng pampasaherong jeep ng suspek na nakilala lang sa alyas Rex Maranaw na sakay ng motorsiklo dakong alas 4-ng madaling-araw sa Hidalgo St., Quiapo, Maynila. Bigla na lang lumapit ang suspek na ngayon ay pinaghahanap sa nakatalikod na biktima at agad na binaril sa batok. Nang bumulagta ay kinuha nito ang baril ni Potente at kaswal na tumakas. (Ludy Bermudo)
Holdaper napatay
Napatay ang isang hindi pa nakikilalang holdaper nang makipagbarilan sa mga pulis matapos na holdapin ang negosyanteng si Roselo Cabanero dakong 12:20 ng tanghali kahapon habang nag-aabang ng masasakyan sa Quirino Hi-way, Barangay Sangandaan, Novaliches, Quezon City. Sinita ng mga otoridad ang suspek ngunit sa halip na huminto at sumuko ay nakipagbarilan ito na nagresulta ng kanyang kamatayan. (Angie dela Cruz)
Pikunan
Agaw-buhay ngayon ang binatang si Marlon Lagbayo nang pagsasaksakin ng katrabaho na nakilala lang sa pangalang alyas Bilot nang magkapikunan habang nag-iinuman dakong alas-10:30 ng gabi kamakalawa sa Kalamansi St., Tumana, Marikina City. Masusi naman na pinaghahanap ng pulisya ang suspek. (Ricky Tulipat)