Umabot sa 20 banyera ng isda ang kinumpiska ng mga tauhan ng pulisya at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Malabon City matapos mabukong hinahaluan ng dyobos at vetsin ang mga isda para maging sariwa.
Dakong alas-12:40 ng madaling-araw nang lusubin ng mga awtoridad ang bagsakan ng isda sa F. Sevilla Blvd., Brgy. Tañong ng lungsod na ito. Nang tingnan ang mga banyera ng isda ay nalaman na may halong dyobos at vetsin ang mga ito, dahilan upang kumpiskahin.
Ang aksyon ay isinagawa matapos na may magreklamo na sa bagsakan ng isda ay kinukulayan lamang ang mga ito para magmukhang sariwa.
Wala naman tinderang umako na sa kanila ang mga nahuling isda kung kaya walang naaresto ang mga pulis. Maging ang mga mamimili ay nagrereklamo rin dahil kakaiba na ang lasa ng mga isda kapag ito ay naluto.
Sinasabing mga bilasa o luma na ang isda na kinukulayan para kumintab at magmukhang sariwa.
Malaki ang paniwala ng mga kinauukulan na malaking panganib ito sa kalusugan ng mga mamimili.