Navy officer patay sa fitness exercise

Isang opisyal ng Philippine Navy ang nasawi ma­tapos itong atakehin sa puso habang nag-eehersisyo sa gymnasium ng Philippine Navy headquarters sa Roxas Blvd., Manila, ayon sa report kahapon.

Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila ang biktimang si LT. Com­mander Bernard Boada, Ope­ration Officer ng   Philippine Navy Headquarters Sup­port Group. “He was immediately rushed to the Ospital ng Maynila and was pronounced dead on arrival, ang sinasabi nila (doctor) cardiac arrest,” ani Navy Spokes­man Lt. Col. Edgard Arevalo.

Sinabi ni Arevalo, dakong alas-3:30 kamakalawa ng maganap ang insidente sa tanggapan ni Boada. Nabatid na nagtungo sa gym si Boada dakong alas- 2 ng hapon at makalipas ang isang oras ay bumalik na ito sa kanyang tanggapan ilang metro ang layo mula sa Gym.

Nagulat na lamang ang mga kasamahan ni Boada nang bigla itong bumagsak mula sa kinauupuang silya da­hilan upang ma­bilis itong isugod sa nasabing paga­mutan. Kaugnay nito, nagpaabot na ng paki­kiramay si Vice Admiral Ferdinand Golez, Flag Officer in Command, Phi­lip­pine Navy sa pamilya ng nasawing opisyal. (Joy Cantos)

Show comments