Pinoy na wanted ng FBI, pina-extradite
Ibinibiyahe na pabalik sa Estados Unidos ang isang Pinoy na matagal nang pinaghahanap ng Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa tangkang pagpatay sa kanyang nobya sa New Jersey, noong 1995.
Sa ulat ni Head Agent Atty. Claro de Castro Jr., hepe ng NBI-Interpol Division, si Nelson Marquez, 44, ay ipinabalik na sa New Jersey, USA sakay ng Philippine Airlines Flight PR 102, at ineskortan ng dalawang FBI agents at ni NBI Special Investigator James Sherill Tosoc.
Sangkot si Marquez sa kasong attempted murder dahil sa tangkang pagpatay sa kanyang dating nobya na si Connie Ardona noong Setyembre 27, 1995, sa New Jersey kaya ito ay may extradition case.
Nabatid na naganap ang insidente sa Lighting Brook Park, Union Country, New Jersey, kung saan pinagsasaksak ng 11 ulit ni Marquez ang kanyang nobya gamit ang isang letter opener.
Nasa sala umano ni US Judge John S. Triarsi ang kaso ni Marquez. Siya umano ay isang US immigrant na bumalik sa bansa matapos takbuhan ang krimen. Noong Marso 8, 1999 ay naaresto si Marquez sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Lorenzo Veneracion ng Branch 47, sa isang operasyon sa Balagtas, Bulacan, kaugnay sa extradition case na inihain ng US government.
Pinalaya naman ito matapos na maglagak ng piyansa noong Oktubre 5, 1999 ngunit binawi ito ng hukuman na nagresulta upang muli nitong maaresto. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending