2 salvage victim natagpuan sa Quezon City

Dalawang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng “summary execution” ang natagpuan sa gilid ng kalsada malapit sa isang paaralan sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Patuloy pang kinikilala ang mga biktima na nakagapos ng “packaging tape” ang mga kamay at paa at may busal rin ang mga bibig. Nagtamo rin ang mga ito ng saksak ng icepick sa dibdib na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Station 5, dakong alas-6:30 ng madaling-araw nang matagpuan ang dalawang bangkay sa kanto ng Regalado St. at Mindanao Avenue Extension sa Brgy. Greater Lagro.

Nabatid na isang tricycle driver ang nakapansin sa nakahan­dusay na mga biktima sa gilid ng kalsada na pawang nakasuot lamang ng pantalong maong at saka ipinagbigay-alam sa mga opisyales ng barangay.

 Hinihinala ng mga imbestigador na maaaring pinaslang sa ibang lugar ang mga biktima saka itinapon sa Quezon City upang iligaw ang pulisya. Inaalam rin naman kung may kaugnayan ang dalawang bangkay sa isa pang katawan na natagpuan dakong alas-3 ng madaling-araw sa Quiapo, Maynila. (Danilo Garcia)

Show comments