Sundalong Koreano, nagbaril sa sarili

Palaisipan ngayon ang tinamong tama ng bala sa ulo ng isang dating sun­dalong Koreano na inisyal na iniulat na nagbaril sa sarili makaraang pasukin sa loob ng kanyang bahay ng mga kagawad ng Que­zon City Police District-Special Weapons and Tactics unit sa Roxas District ng naturang lungsod ka­makalawa ng gabi.

Kritikal ngayon ang kondisyon sa loob ng Capitol Medical Center ang suspek na si Kevin Lee. 33, residente ng #40-C Guma­mela St. Brgy. Roxas District, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng QCPD-Ka­muning police station, da­kong alas-7 kama­ka­lawa ng gabi nang maga­nap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima. Na­batid na unang nagrek­lamo sa barangay hall ng Roxas District ang Pinay na asawa ni Lee na si Chris­tina Gonzales, 32, mata­pos na magtamo ng sari-saring pasa at sugat sa katawan dahil sa pam­bu­bugbog ng kanyang mister na armado ng isang baril.

Agad namang nagtu­ngo ang mga kagawad ng barangay sa bahay ni Lee kung saan pinakiusapan ito na lumabas. Nang hindi tumugon, humingi ng sak­lolo ang mga opisyal ng barangay sa QCPD-SWAT na rumesponde sa lugar.

Nabatid na nang pasu­kin ng mga pulis ang loob ng bahay, dito nakarinig ng dalawang magkasunod na putok ang mga residente. Ayon sa mga pulis, kusang nagbaril sa sarili ang bik­tima bago pa man sila makalapit.

Sa imbestigasyon kay Gonzales, nakakaranas umano ng war shock ang kanyang mister dahil sa mga misyon nito sa Korea nang sundalo pa ito. Ipinag­tapat umano nito na hindi niya nakikilala ang mga tao sa paligid niya kapag inaatake ng sakit kaya sinasaktan siya. (Danilo Garcia)

Show comments