Pulis inireklamo sa pananapak

Gitgitan sa kalye ang dahilan ng pananapak at panu­nutok umano ng baril ng isang pulis-Maynila na sakay ng motorsiklo sa kapwa nakamotorsiklong sibilyan sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Ito ang reklamong idinulog sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment Section ng biktimang si Ronaldo Vitan ng 407 Moriones st., Tondo laban kay PO1 Eric Miranda ng MPD-Station 1.

Sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Moriones at Dagupan Streets., Tondo. Nagkasalubong ang minamanehong motorsiklo ng dalawa nang kamuntik nang magkabanggaan dahilan upang sitahin ng pulis ang biktima.

Nang mangatwiran ang biktima ay naglabas ng baril ang suspect at tinutukan siya nito at sinapak. Nakatakdang kunin ng MPD-GAS ang panig ng suspek na ipinatawag ngayong Lunes. (Ludy Bermudo)

Show comments