Tatlong kilabot na holdaper ang napaslang ng mga tauhan ng Quezon City Police District sa isang barilan kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Dahil dito, umakyat na sa 17 ang bilang ng hinihinalang mga holdaper, carjacker at kidnapper na napapaslang ng mga tauhan ng QCPD sa loob ng buwan ng Enero dahil sa pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa krimen.
Patuloy namang biniberepika ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit ang pagkakakilanlan sa napaslang na mga suspek na nakipagbarilan sa pulisya dakong alas-3:45 ng madaling-araw sa may kanto ng Commonwealth Avenue at Peria Road sa Brgy. Old Balara sa naturang lunsod.
Sa imbestigasyon, nabatid na unang hinoldap at tinangayan ng motorsiklo ng mga suspek sina Mark Emmanuel, 29, at ang angkas nitong si Elisio Ditol sa kanto ng Commonwealth Avenue at Litex Road.
Agad na humingi ng tulong si Emmanuel sa mobile patrol QC-159 na noon ay nagpapatrulya sa nasabing lugar. Agad namang rumesponde ang mga kagawad ng Police Station 6 at Anti-Carnapping Unit sa pangunguna ni P/Insp. Angelo Nicolas.
Namataan naman ng mga pulis ang Honda Wave na motorsiklo lulan ang tatlong suspek na tinangkang patigilin ng mga pulis. Sa halip na huminto, isa umano sa mga sakay nito ang tumalon sa motorsiklo at nakipagbarilan sa mga pulis sa may footbridge sa may Brgy. Old Balara habang nagpatuloy naman sa pagtakas ang dalawang kasamahan nito sa motorsiklo.
Nasawi ang naiwang suspek matapos na gumanti ng putok ang mga otoridad habang nagpatuloy ang paghabol sa dalawa pang suspek. Nasukol naman ang mga ito sa kanto ng Peria Road at Commonwealth Avenue kung saan kapwa nasawi rin nang makipagbarilan rin umano sa mga pulis.
Narekober ng pulisya buhat sa mga suspek ang isang kalibre .357 at dalawang kalibre .38 paltik na ginamit umano ng mga ito sa pakikipagbarilan sa mga pulis.
Muli namang nagbabala si QCPD Director, Chief Supt. Magtanggol Gatdula sa mga kriminal na itigil na ang kanilang operasyon sa Quezon City dahil kamatayan o kulungan ang kanilang babagsakan sa patuloy na pagpapaigting nila ng seguridad.