Agaw-buhay ang isang 34-anyos na ginang nang ataduhin ng saksak ng icepick ng kanyang kinakasama makaraang maaktuhan ang una ng huli na may kasamang ibang lalaki palabas sa isang motel kamakalawa ng umaga sa Pasay City.
Habang isinusulat ito ay inoobserbahan pa sa Philippine General Hospital ang biktimang si Estrella Gavito, tindera at residente ng #41 Apolo St., Brgy. San Gregorio Village, Pasay City sanhi ng mga tama ng saksak sa dibdib, leeg at iba pang parte ng katawan nito.
Nadakip naman ng pulisya ang suspek na si Ernesto Anos, 41-anyos, residente rin ng nabanggit na lugar at live-in partner ng biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon ni PO3 Simon Respicio Jr. na dakong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima at ng suspek.
Bago naganap ang insidente, hindi sinasadya umano ng suspek na makita ang ginang na may kasamang ibang lalaki palabas sa Quirino Lodge sa lungsod habang ang una ay naglalako ng kanyang mga paninda sa nabanggit na lugar. Sa halip na mag-eskandalo ay niyaya na lamang ng suspek ang ginang na umuwi at doon na lamang sila mag-uusap.
Ang pag-uusap naman ng biktima at ng suspek ay nauwi sa mainitang komprontasyon hanggang sa mapuno umano ang lalaki at kumuha ito ng ice pick saka pinagsasaksak ang babae sa dibdib, leeg at iba pang parte ng katawan nito. Nang duguang bumulagta ang biktima ay mabilis namang tumakas ang suspek subalit agad naman itong naaresto ng mga rumespondeng barangay tanod. (Rose Tamayo-Tesoro)