Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang empleyada ng money changer at escort nitong pulis ng apat na hindi pa kilalang kalalakihan sakay ng dalawang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa San Juan City.
Kinilala ang nasawing mga biktima na sina PO1 Anthony Ventican, nakatalaga sa Regional Mobile Group Police Regional Office 1 at Elvie Atchaso, 35, empleyada ng money changer shop. Ang mga ito ay namatay habang nilalapatan ng lunas sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City, habang nakaligtas naman ang kasama nilang empleyada na si Diana Sebellano na himalang hindi man lang tinamaan ng bala nang paulanan ng mga suspek ang kanilang sasakyan.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa kahabaan ng Ortigas Ave. Brgy. Greenhills sa nasabing lungsod habang lulan ng berdeng Toyota Corolla na may plakang PJL-528 ang mga nasabing biktima galing sa isang money changer shop sa Greenhills Shopping Center.
Bigla na lang umanong hinarang ito ng apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo at walang sabi-sabing pinagbabaril ang sasakyan ng mga ito.
Matapos pagbabarilin ay agad na binaba ng isa sa mga suspek ang kotse at kinuha ang bag na bitbit ni Atchaso na naglalaman ng hindi pa batid na halaga ng pera bago mabilis na nagsitakas.
Samantala hindi naman nakuha ng mga suspek ang bag na hawak ni Sebellano na nagkunwaring patay na naglalaman ng mahigit sa kalahating milyon piso.
Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya para sa ikalulutas ng kaso.