2 holdaper napatay

Nasawi ang dalawang armadong lalaki na nang­holdap sa empleyada ng Jollibee nang makipag­barilan sa mga humuhuling pulis sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay Police Supt. Antonio Yara, hepe ng Quezon City Police District-Batasan Police Station 6, ang mga napatay na holdaper ay tinatayang may edad na 30-35 taong gulang at nakasuot ng blue jacket.

Base sa report, dakong alas-4:30 ng madaling- araw nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga residente sa may overpass sa Com­mon­wealth Ave. kanto ng Luzon Ave., Old Balara, Quezon City.

Bago ito, hinoldap ng dalawang lalaki si Gemma Miralles, 21, habang nag-aabang ito ng sasakyan sa Commonwealth Ave.

Makaraan ang insidente, agad natiyempuhan ng surveillance team ng QCPD ang dalawang holdaper na tumatakas sa may overpass.

Sinita ng pulisya ang mga suspek pero pinagbabaril sila ng mga ito kaya ginantihan nila ito ng putok. (Angie dela Cruz)

Show comments